PANGALAN

Tatawagin kong malayong lunan ang aking pangalan.

Sabihin nating Malayong Lunan lamang
at wala talagang pinagmulan.

Doon, bughaw ang kalangitan at ang unos
ay isang pangitaing inililihim ng tubig.

Maaaring makita mong napipilas ang mga dahon sa sanga,
ngunit ito lamang ay pag-alala sa kanilang pinagmulan—

gaya ng makikita mo rin ako, halimbawa, sa mga puno o bato
at hindi iyon pagkamalikmata.

Sinasabi ko, malayong lunan ang aking pangalan
ngunit, hindi, wala kang dapat na ipag-alala.

Wala doong mga bakas ng pangil o paa ng anumang mabangis
na hayop na dapat mong ikatakot.

Maglibot ka lamang at iwaglit ang lahat ng alinlangan.

Sa isang puno, baka matagpuan mo ang isang pangalan,
palatandaan, na iniukit matapos na may sumumpa
ng wagas na pag-ibig.

Maaaring lumingon ka sa batis para matagpuan ang puso
ng isang mangingibig—maaari mo itong kimkimin,

anuman ang iyong ibig gawin: maaari mong itabi
habang dumuduyan sa swing, o habang pinanonood
ang pamumukadkad ng sampaga sa magdamag.

Sa dapit-hapon, maaari mong pagmasdan ang pagtubo
ng iyong anino sa aking mga palad, at doon ka humimlay.

Maaari mo akong iwan at magtatagpo pa rin tayo
sa lunduan ng iyong panaginip:

nakahimpil ako sa bato habang binibilang ang mga sandali
nang walang pananabik, walang pag-aatubili.