SABI KO: ONE NIGHT ONLY
Dahil ayokong mag-yosi... nag-yosi ako. Malabo? Marahil. --- Namatay yung lolo ko dahil sa hika at iba pang mga komplikasyon na sinira na rin maging ang kaniyang puso at maaaring pati ang bato niya. Sa lolo ko namana ng tatay ko ang hika na naipamana naman sa 'min. Sa aming apat na magkakapatid, ako ang pinakahuling nagpakita ng senyal ng asthma. Noong second year college ko na naramdaman ang mga sintomas ng hika at pakiramdam ko ay lumalala ito. Hindi pa ako nagpapatingin sa doktor. Natatakot kasi ako na baka hindi hika yung sakit ko-- baka TB. --- Noon, ang akala ko, may TB yung lolo ko. Panay ubo niya kasi na parang kaya niyang ilabas sa pag-ubo yung baga niya. Namayat din siya at nakaramdam ng sakit sa katawan. Sunog-baga ang lolo ko. Kuwento niya sa 'kin, labing walong anyos siya nang sinimulan niyang mag-yosi (na mas huli pa sa bisyo niya ng pambababae). Kapag magyoyosi siya, nag-uunahan kaming magpipinsan na kunin yung sigarilyo para sindihan. Siyempre, kami ang hihitit ...