SABI KO: ONE NIGHT ONLY


Dahil ayokong mag-yosi... nag-yosi ako. Malabo? Marahil.

---
Namatay yung lolo ko dahil sa hika at iba pang mga komplikasyon na sinira na rin maging ang kaniyang puso at maaaring pati ang bato niya. Sa lolo ko namana ng tatay ko ang hika na naipamana naman sa 'min. Sa aming apat na magkakapatid, ako ang pinakahuling nagpakita ng senyal ng asthma. Noong second year college ko na naramdaman ang mga sintomas ng hika at pakiramdam ko ay lumalala ito. Hindi pa ako nagpapatingin sa doktor. Natatakot kasi ako na baka hindi hika yung sakit ko-- baka TB.

---
Noon, ang akala ko, may TB yung lolo ko. Panay ubo niya kasi na parang kaya niyang ilabas sa pag-ubo yung baga niya. Namayat din siya at nakaramdam ng sakit sa katawan. Sunog-baga ang lolo ko. Kuwento niya sa 'kin, labing walong anyos siya nang sinimulan niyang mag-yosi (na mas huli pa sa bisyo niya ng pambababae). Kapag magyoyosi siya, nag-uunahan kaming magpipinsan na kunin yung sigarilyo para sindihan. Siyempre, kami ang hihitit nung yosi. Ewan ko kung bakit ganoon kami, pero nakakadagdag yata iyon sa pagiging macho, pagiging-ala-binyagan kahit supot pa kami at kasunod na noon ang mga unang tikim namin ng gin.

Dahil macho kami, nadadala namin yun sa paglalaro. Mamumulot kami ng mga tuyong tangkay ng santol. Maigi naming sinisiyasat kung alin ang magandang i-yosi. Mas okey yung tangkay na mahaba, malaki ang butas kapag binali at 'yung tuyong-tuyo. Hihititin namin yun hanggang sa magkanda-ubo-buo kami pero tuwang-tuwa kami sa mga usok na nalilikha ng 'yosi' namin. Sinubukan naming gumawa ng 'O,' ng hugis puso, at ng kahit ano pang mga porma na kayang gawin ng ulap dahil ang alam namin noon ay usok din ang ulap na nagmula sa mga siniga. Lasang kahoy yung 'yosi' namin katulad ng lasa ng usok na pinapasok namin sa bibig tuwing magsisiga yung nanay ko o kaya yung mga tiyahin ko. Walang ipanagkaiba sa usok ng gasera, sa katol, at sa usok ng matagal nang nasindihang kandila.


---
Ipina-check up noon yung lolo ko. Pero negative yata siya sa TB bacilli. Ang findings yata ng doktor, naging fibrotic na yung baga ng lolo ko dahil sa sigarilyo. Sinamahan pa ng hika niya kaya naging mas mahirap sa kaniya ang paghinga. Tatlong linggo bago pumanaw yung lolo ko, nanaginip ako tungkol sa burol at mga birhen sa bundok ng Iriga. Kulay asul yung mga birhen at sa ibabaw nito ay nag-anyong paa yung ulap. Wala pa akong alam noon sa kalagayan ng lolo ko. Dalawang araw bago pumanaw yung lolo ko, tumawag sa 'kin yung nanay ko at pinauuwi ako ng Bikol dahil hinahanap daw ako ng lolo ko.

Mahinang-mahina na si Tatay, tawag namin sa kaniya. Pagpasok ko ng kuwarto, nakilala niya ako agad. Sabi ng nanay ko, ako lang daw yung nakilala ni Tatay dahil nagkakaroon na rin siya ng dementia. Kailangan pa niyang piliting kumain at laging mainit ang pakiramdam niya kahit na malamig yung kuwarto. Tinanong ko siya kung okey lang siya sabay thumbs up ko dahil baka hindi niya naintindihan yung sinabi ko. Mahina na kasi yung pandinig niya. Nguniti siya nang kaunti saka umubo nang umubo.

---
Naalala ko yung pinsan ko na mentally retarded, si Grace. Pinatingnan siya sa doktor dahil nagiging madalas yung epilepsy niya. Pagbalik ng bahay, parang nakasisilaw yung awra ng tiyahin ko dahil sabi daw ng doktor, walang sakit sa utak si Grace. Mentally sound siya pero retarded. Malabo nga eh. Pero ganun daw talaga. Ipinaayos kasi sa kaniya yung Lego at nakasunod naman siya sa sinabi ng doktor. Yung kasabay daw niya na sinira yung Lego ang baliw.

Nung nasa elementary pa lang ako, sinapak ni Tatay si Grace. Kakatapos lang noon ni Grace na mag-seizure kaya pagod na pagod siya at inaantok. Pagkahigab niya, sinapok siya ni Tatay dahil maingay na naman daw siya.

---
Kagabi, nagkayayaan kami ng mga kasama ko sa ospital na mag-inuman. Umiinom ulit ako ngayon matapos ang apat na taon na itinigil ko yun. Matatag din ako sa sinasabi kong 'uminom na lang ako pero hindi ako magyoyosi.' Pero olats pala talaga ako. Nag-yosi din ako. Pero hindi ako pinilit ng mga kasama ko. Sarili ko yung desisyon. Sabi pa nila, mukhang sanay daw akong mag-yosi. Sabi ko naman, nakikita ko lang sa mga tao... Hindi naman ako tanga.

Pitong sticks ang naubos ko at hindi ko pa rin malaman kung bakit nagyoyosi ang mga tao samantalang hindi naman ito masarap. Bukod pa ditto, nakamamatay ang pagyoyosi.

---
Panay ubo ko kaninang umaga. Inisip ko tuloy na baka na-reinfect ako nung mga buwisit na bakeryang 'yun yung upper respiratory tract ko. Hindi kasi ako umiinom ng gamot kapag may ubo, sipon at lagnat kaya siguro inabot ako ng tatlong linggo bago tuluyang gumaling. At hindi pa pala nauubos yung plema ko sa baga. Naisip ko tuloy na baka may-TB ako. Sa una ko kasing pinasukang ospital, hindi naka-isolate yung may TB. Dahil specialty hospital yun, yung sakit lang na specialty ng ospital yung gagamutin nila. At kung may TB man yung pasiyente, hahayaan muna nilang gumaling yung pasiyente sa sakit na naging dahilan sa pagkaka-confine niya doon, saka lang yung TB.

Malabo. Pero dahil doon, may tiyansa akong magka-TB. Ang masama pa, wala akong BCG vaccine. Malas.

Comments

Popular posts from this blog

Thoughts of death drives young writer to pen winning pieces

Madrigal-Gonzalez Best First Book Award 2006 names finalists

Ragang Rinaranga