SENTIMENTAL, ULIT

Hindi ako pumasok ngayong araw.
.
Wala akong sakit. Hindi rin masama ang pakiramdam ko. Wala lang talaga. Walang dahilan.
.
Gumising ako ng 10:30 AM. Kapag may pasok ako sa ospital, gumigising ako ng 5:30, at gigising muli ng 7:00-- magmamadaling mag-ayos ng sarili para habulin ang 7:30 na pasok ko. Sasakay ako ng dyip sa Laon-Laan papuntang Mayon. Sasakay ng tricycle hanggang Banawe. Hindi naman ako ganito dati. Lagi nga ako ang pinakamaagang pumapasok sa ospital. Pero kanina, at katulad ng mga nakaraang dalawang buwan, dumadating akong naguhitan na ang attendance book. Ang masama pa, kahit alam kong male-late ako, nagmamadali pa rin akong pumunta sa ospital at hindi na ako kumakain ng agahan. Kung may oras sa ospital, saka lang ako kakain. Pero kalimitan, kumakain lang ako ng pananghalian. Pumapayat ako sabi nila. Hindi na gaanong namumurok ang pisngi ko. Maluwang na din ang scrub suit ko. Ganun talaga pag may cancer, biro ko.
.
Huling buwan ko na ng internship sa ospital na pinapasukan ko. Sa Oktubre, lilipat na ako ng ospital. Mas malayo. At kailangan kong gumising nang mas maaga.
.
---
.
Ilang linggo na lang ang hinihintay ko, sa kung anuman na hinihintay ko-- akin na lang muna yun sa ngayon. Ngunit parang mas nababagabag ako ngayong mga panahon, naguguluhan. Lalo lang kasing hindi naging malinaw ang gusto kong gawin sa buhay pagkatapos ng kurso kong Medical Technology. Marami akong gustong gawin, pero hindi ko alam kung alin ang uunahin ko. Marami akong plano sa sarili ko pero natatakot ako na hindi matupad ang alin man sa mga ito dahil na nga sa maraming dahilan at kasama na dun ang pinansyal kong pangangailangan. Binabalak ko sanang kumuha na ng Board Exam at kung makapasa man ay maghahanap ako agad ng mapapasukang trabaho. Mahirap ang sitwasyon ng mga medical workers sa 'Pinas kaya nga karamihan ay nangingibang-bansa para mapunan ang kanilang mga pangangailangan. Nakakalungkot lang na isa ako sa "biktima" ng sitwasyon na ito. Nag-aral ako ng Medical Technology hindi para mapunan ang pagnanasa ko sa mga matututunan ko kung hindi dahil sa gusto ng nanay ko na makapag-abroad at makapag-ipon ng sariling pera (para sa pamilya). Gusto ko noong maging doktor pero inisip kong hindi sasapat ang pera ng pamilya para ipangtustos sa halos anim pang taon sa Medicine. Gusto ko ding hindi na ang pag-aaral ko ang iniisip ng nanay ko at mga kapatid kong gusto ko na ding makapag-pamilya na-- na sa tingin ko ay sapat na ang panahong ito para sarili naman nila ang isipin nila, hindi na ako. Hindi na rin ako umaasa sa tatay ko na may ibang pinagkakaabalahan (na pamilya).
.
Maraming mga tanong ang dapat nang masagot, ngunit hindi pa mapunan ng sagot dahil hindi pa siguro hinog ang pagkakataon.
.
Kailangan ko pang maghintay. Maghintay.
.
---
.
Isa pang nakakadagdag sa mga alalahanin ko ang tinitirhan kong apartment. Simula nang umuwi ang kapatid kong babae sa probinsya, hindi ko na magawang malinis ang apartment. Magulo lagi sa loob. Ang nakakainis pa, hindi ang gamit ko ang magulo kundi ang mga gamit ng pinsan ko. Ayokong dumating ang araw na may makikita (ulit) akong bubuwit sa bahay. Ayokong dumugin kami ng mga ipis, langaw at lamok. Hindi ko mapagsabihan ang pinsan ko. Kailangan niyang maintindihan para sa sarili niya kung ano ang malinis sa marumi. Sinubukan ko na dating maglinis at ayusin ang mga gamit niya pero manhid lang talaga siya. Pareho kaming layás sa bahay kaya walang makalilinis na ng tinutuluyan namin. Sana naman magawa niyang maglinis at mag-ayos. Bahay na ang turing ko sa apartment na tinirhan ko ng apat na taon. Hindi ako makapg-isip sa maruming paligid. Mas nakakainis lang.
.
---
.
Uminom ako kagabi kasama ang mga itinuturing ko ngayong bagong kaibigan. Nasisiyahan akong makisalamuha sa kanila, pagmasdan silang naghaharutan, nagtatawanan... Isa pa, may nakakausap na din ako sa wakas tungkol sa mga interes ko. Noon, wala akong makausap tungkol sa mga pinagkakaabalahan ko, mga kabarkada ko lang, kasama sa ospital, at kapatid kong babae na pinipilit ko pang gustuhin din niya ang gusto ko (may makausap lang ako). Parang alienated ako. Kinikimkim ko na lang sa sarili. Pero masarap din naman ako sa piling nila dahil parang walang problema ang mundo. Puro tawanan lang, tsismisan, at tungkol sa ospital at staff ng ospital ang pinag-uusapan namin. Sa mga nakakasama ko ngayon, parang may napunan sa pangangailangan ko. Marami akong dapat ipagpasalamat.
.
---
.
Masarap tumakas sa mundong kinagisnan mo. Marahil, ito nga ang dahilan kung ba't hindi ako pumasok sa ospital. Marahil lang.

Comments

Popular posts from this blog

Thoughts of death drives young writer to pen winning pieces

Madrigal-Gonzalez Best First Book Award 2006 names finalists

Ragang Rinaranga