"UY, LAKI MO NA AH!"

Habang sinusulat ko ito, nangingiti-ngiwi-lungkot ako dahil naisip ko kung gaano kabilis tumakbo ang panahon. Parang kailan lang ay naghahabol ako para matapos ang mga requirements sa eskuwelahan nang gumradweyt. (Anuman, medyo nararamdaman ko pa rin ang paghabol ko sa oras dahil nga tinatapos ko ang mga make-up duties ko sa dalawang ospital na pinasukan ko.) Napakabilis nga--iniisip ko ngayon yung mga panahon nung bata pa ako at gusto kong sabihin sa sarili ko na "Laki mo na ah!" habang kinukusot ang sariling buhok.

Parang kailan lang nang sinusukat ko kung gaano ang itinangkad ko sa pintuan namin noon. Minsan, dinadaya ko pa nga yung guhit, mas tinataasan ko. Gusto ko kasi noong lumaki agad para magawa ko na agad ang mga gusto kong gawin: ang magbulakbol, ang maglaro nang hindi pinagagalitan ng nanay ko at hindi hinahabol ng kawayan na pamalo, ang uminom (oo, naisip ko na 'yun noong bata pa ako hehe), at ang magkaroon ng sariling pera.

Parang kailan lang.

Nga pala, ito ang ilang mga bagay na naaalala ko ngayon na sana ay maramdaman/magawa ko ulit:

1. Naaalala mo ba nang unang beses kang payagan ng nanay/tatay mong maligo nang mag-isa? Tuwang-tuwa ako noon dahil sa wakas malalaro ko na ang tubig nang walang sumasaway. Pero siyempre, parang game show, may time limit para hindi daw ako ginawin at magkasakit.

2. Siyempre hindi ko din malilimutan ang pagligo sa ulan nang hubo't hubad. Sumasahod pa ako noon ng tubig mula sa alulod ng bahay pero siyempre palo ang aabutin ko dahil pagkatapos ay mangangati ang ulo ko gawa daw ng mga dumi ng ibon at manok na naimbak doon.

3. Naman! Na-miss ko atang maglaro ng baril-barilan. Yung hugis baril talagang mga kahoy na may goma sa harap na nakakabit sa alambre na ipinasok sa butas dun sa kahoy na may goma ulit sa ilalim para bumabalik pagkakalabit mo ng gatilyo at may bala pang tansan. Alam mo ba yun? Kung malabo, ito yung hitsura:

Pero itinigil ko din yung paglaro nito nang nagkakasakitan na. Pinagbawalan din kaming magpipinsan sa paglaro nito dahil may nabulag daw na bata dahil tinamaan ng tansan yung mata. Laganap din yung "gang war" sa lugar namin. Tatlong grupo ang naaalala kong magkakalaban: grupo ng mga taga-Francia; mga taga-San Francisco-Sementeryo; at mga taga-Liboton (kung saan kasama yung mga kuya at pinsan ko). Ito ang rule ng laro: mas maraming sugatan, mas maraming gumagapang na sa lupa, olats. At kapag nagkaubusan naman ng tansan, kailangan ready ka talaga. Dapat, mahaba yung baril mo. Hindi puwedeng mala-pistol lang baril mo. Dapat mga M-16 ganun dahil puwede mong ipanghampas sakaling kinokorner ka ng mga kalaban.

3. Siyempre ang mangarap na kaya kong gumawa ng robot at isang secret hide out. May mga blueprint pa ako noon ng robot at suit namin ng mga pinsan ko. Magkakaiba kami ng kulay at tig-iisa kami ng robot na nagco-combine din para maging isang malaking robot na lalabanan yung mga higanteng gansa na bumubuga ng apoy, patong nakakatunaw ng bakal yung ebs at talisaying manok na nakakabingi yung tilaok.

4. Kapag hindi naman robot, eh nag-i-imagine na lang ako na may kamehamewave din ako katulad ni Goko at nakakapag-meditate nang katulad ni Picolo. At kapag iniwan na ako ng mga pinsan ko dahil daw nasisiraan na ako ng ulo, pumapasok na lang ulit ako ng bahay para gumawa ng secret robot na sisira sa mga robot na ginawa ko para sa kanila.

5. At oo, sino ba naman ang makakalimot sa mga kuwentong tawang-tawa ka noon at kapag naisip mo ngayon eh sasabihin mong "Ang corny naman." Katulad yung mga kuwentong iyon ng contest ng mga kano, hapon at pilipino. Yung tipong ang contest ay tungkol sa pabilisan, palakihan, pabigatan, palakasan, atbp. Ito ang isang halimbawa ng contest.

Pag hindi gumana yung link ito na lang: http://youtube.com/watch?v=N082sPiQYJA

Ikaw? Ano yung mga naaalala mo? Gawa ka din ng listahan ha?

Masarap maging bata ulit. Parang walang problema. Parang napakalaki ng mundo para maging playground at hindi mo kailangang mag-alala. Kailangan mo lagi ng magulang/ate/kuya/tiya para mag-alala sa'yo habang nasa ilalim ka ng mga dahon ng saging at ngumingisi dahil hindi ka nahahanap ng taya sa taguan (pero hindi mo alam na naglalaro na pala sila ng patintero at wala nang balak na hanapin ka). Pero ngayong malaki na ako, nararamdaman kong lumiliit ang mundo. Kaya siguro may mga nagsasabing hindi kabataan ang pag-asa ng bayan kundi yung mga matatanda. Sa pagdagdag ng edad equals pagliit ng mundo. At dahil maliit ang mundo, kayang-kaya nila itong pagalawin.

Pagkatapos, ano na?

Kailangan ko nang isipin kung paano ako kikita ng sapat na pera para buhayin ang sarili ko. Kailangan kong tuparin yung mga plano ko sa buhay. Mag-aasawa na ba ako? Magka-anak? Ano kaya kung mag-hibernate na lang ako sa apartment, parang kuwento ni Luis Katigbak, yung Subterrania. Magiging adik kaya ako? Titira ng sunog na gamit nang diaper?

---
Kanina nga pala, nanood ako nito:


---

Nga pala, tatay ko yung nagpunta sa graduation ko kahit na nagagalit ako sa kaniya. Hindi lamang galit kundi pagkasuklam. Marami na akong napagkuwentuhan kung gaano ako kagalit sa kaniya, o marahil isang matinding pagtatampo, ano man iyon, nakukuha ko na ding tanggapin ang lahat. Hindi lamang ang sitwasyon, kundi ang katotohanan na wala nang solusyon ang problema ko. At ang tanging solusyon ay ang mabuhay nang salungat sa mga ginawa niya.

.

FIRST MEMORY

Louise Glück

Long ago, I was wounded. I lived

To revenge myself

against my father,

notfor what he was—

for what I was: from the beginning of time,

in childhood, I thought

that pain meant

I was not loved.

It meant I loved.

Comments

Anonymous said…
1. Congrats idol!
2. pareho pala tayo sa Tatay natin, pero di naman suklam.
3. di mo man lang ako isinama sa panonood ng Ice Age
4. OO ,masarap maging bata, sinabi mo pa. Ngunit masarap din maging matanda hehehhehehe maraming nagagawa.
Anonymous said…
padaan kuya sonny! kumusta ka na. :) padayon!
Kiko,

Salamat. Oo, humantong yun sa punto na kahit mga sarili kong pagkakamali ay isinisisi ko pa rin sa kaniya. :P Sarap talagang maging bata! Uy, panoorin mo Ice Age 2. Sobrang nakakatawa!
Jen,

Salamat sa pagbisita! ;)

Padayon!
Anonymous said…
sino kasama mo manuod ng ice age ah? hwehehe..

Popular posts from this blog

Thoughts of death drives young writer to pen winning pieces

Madrigal-Gonzalez Best First Book Award 2006 names finalists

Ragang Rinaranga