Alkohol, alkohol, utak mo'y buhol-buhol

-Alkohol, Eraserheads

May nakita ka bang babae kanina na maputlang-maputla, nanghihina? Kung hindi man ay nakahandusay na lang basta sa loob ng palikuran o kaya sa daan. Medyo maliit siya. Medyo kayumanggi. Medyo hindi siya makakalayo sa UP Diliman kung sakali. Oo, baka nandun lang siya o kaya malapit dun. O kaya nakasakay na siya sa dyip at bigla na lang nanghina bago maiabot sa tsuper ang bayad niya. Nakauwi kaya siya sa bahay niya? Makakapasok kaya siya sa trabaho niya? Kanina kasi, bago siya umalis, 80 over none ang BP niya. Baka may nakipagkuwentuhan sa 'yong babae na hindi mo kakilala. Dahil napansin mong maputla siya, naisip mong kailangan niya ng kausap, kailangan niya ng mababalingan para maalis ang pamumutla. Madaldal din kasi siya eh. Andami naming napagkuwentuhan tungkol sa mga nangyari sa kalusugan niya tulad ng over-sized wisdom tooth niya na sa simula pa lang ng pagtubo ay kailangang hiwain ang kaniyang gilagid, paling ang tubo. Tapos, kailangang bunutin. Baka napansin mong may bulak siya sa kanang braso habang nagkukuwento. Inalalayan mo ba siya? Donor namin siya kanina eh.

Baka naikuwento niyang may lalaking nagbantay sa kaniya. Ako 'yung lalaking ikinukuwento niya. Kanina kasi, hindi ko tiningnan 'yung donor form. Pagkaabot na pagkaabot sa 'kin ng donor form ay pinahiga ko na siya agad, dumampot ng 450 cc blood bag. Sa simula, okey naman siya. Medyo hindi niya mapiga 'yung squeeze ball. Namamanhid daw ‘yung mga daliri niya. Sabi ko, close-open na lang siya. Ginawa nga niya. Medyo nanginginig. Noon siya nagsimulang magkuwento at parang ginulat na pakwan yung kulay ng labi niya. Nalaman kong taga-Cebu siya at may trabaho na. Kahit nabasa ko sa donor form kung ano trabaho niya, tinanong ko pa rin siya. Tinanong ko rin kung ilang taong gulang na siya at kung anong kurso ang kinukuha niya. Tinanong ko rin ko saan siya sa kamaynilaan nakatira. Inulit ko kung anong pangalan niya tapos tumango-tango ako, tumango-tango rin siya. Sinabi niyang takot talaga siya sa dugo kaya ayaw niyang tingnan 'yung blood bag. Kaya nagkuwento na lang siya nung karanasan niya nang bunutan siya ng wisdom tooth. Yung nana at lahat sa gilagid niya. Kung paano siya umiyak sa sobrang sakit. Marami pa siyang ikinuwento at hindi ko na nasundan 'yung mga sinasabi niya. Ganoon pa rin 'yung kulay ng labi niya. Nang tumigil siya nang saglit—napansin niya yata na hindi na ako nakikinig—tinanong ko siya kung anong nararamdaman niya. Sinabi niyang nasusuka siya kaya hinugot ko na agad 'yung karayom. Itinaas namin 'yung paa niya at pinainom ng juice. Sinasabi ko, sa pagkakataong ito, walang tigil siya sa pagkuwento. Sinasabayan na rin niya ng tawa 'yung pagkuwento niya at pumipilit ako ng tawa para lang makalma siya.

350 cc lang naman ‘yung kinuha sa 'kin 'di ba? Pagkasabing-pagkasabi niya nun, tiningnan ko yung donor's form para makatiyak. Maling bag ang nadampot ko. Tumango na lang ako at sa pagkakataong iyon ay parang dinagsa ‘yung tuak ko ng maraming kuwento. Ikinuwento ko rin sa kaniya na may wisdom tooth din akong paling at kapag namamaga ay hindi ako makakain. Ikinuwento ko sa kaniya na lagi akong constipated. Ikinuwento ko sa kaniya na ‘yung girlfriend ng kuya ko ay sa Cebu nag-aral ng Medicine. Kahit mga SMS jokes ay gusto kong ikuwento sa kaniya. Pero hindi ko na nagawa ‘yun dahil kakaiba na ‘yung tingin sa akin ni Ma’m, staff ko. Kaya umupo na lang ako at ikinuwento sa kasama naming doktor na mali ‘yung kinuha kong blood bag. Saka ko rin nalaman na may iba pa pala akong ginawa. Hindi alcohol ‘yung ibinuhos ko sa mga bulak kundi kloroks. Muntik na iyong maipahid sa donor. Yung staff pa namin ang nakapansin. Dahil doon, parang gusto kong matunaw at mag-evaporate sa kinauupuan ko. Parang gusto kong ihampas ang ulo ko sa pader at ulit-ulitin sa sarili ko na lagi akong tatanga-tanga, tulala at nakatunganga. Nakaplano na na sisigaw na lang ako sa apartment gaya ng ginagawa ko dati kapag may palpak akong ginawa. Inisip ko rin na hindi ko dapat sirain ang araw na iyon at iiinom ko na lamang pagka-uwi ko ng Sampaloc. Pero baka alkohol din ang dahilan kung bakit ako madalas matulala. Alkohol siguro ang dahilan, paulit-ulit kong sinabi sa sarili ko. Isinapuso ko ‘yung pagsabi nun sa sarili ko. Alkohol ang dahilan. Alkohol ang dahilan. Parang litanya.

Okey na ‘yung lagay nung babae bago siya nagpaalam. Mapula na ulit ang labi niya at mukhang kaya na niyang tumalon-talon at tumakbo pagkatapos. Maya-maya lang, bigla na naman siyang namutla. Sa pagkakataong ito, puti na lang talaga ‘yung kulay ng labi niya. Sinabi niyang nasusuka raw siya at nagri-ring ang tainga niya. Dagli akong kumuha ng juice at ipinainom sa kaniya. Pinahiga naman siya ni Ma’m at itinaas ‘yung paa. Sabi sa ‘kin ni Dok, kunin ko raw ‘yung BP niya. Tatlong ulit kong sinigurado ‘yung pag-BP. Tumunog ‘yung pulso niya sa 80 (systolic) pagkatapos, wala na ulit akong marinig. Parang zero na ata diastolic nito. 80 over none, sabi ko sa sarili ko. Sinisi ko ulit ‘yung alkohol kung bakit hindi ako makapag-BP nang maayos. Alkohol ang dahilan.

Matagal-tagal din namin siyang pinagpahinga bago siya pinayagang umalis. Nagpaalam siya sa lahat maliban sa ‘kin. Matapos niyang ikuwento sa ‘kin ang mga nangyari sa buhay niya. Matapos banggitin ko sa kaniya na lagi akong constipated. Hindi ko na nasundan kung saan siya papunta. Ni hindi ko siya napansing nakalabas na sa Palma Hall. Kaya nananawagan ako, baka may babaeng nagkuwento ng ilan sa mga nangyari sa mga ikinuwento ko. Siya ‘yung babaeng ikinukuwento ko dito. Sabihin mo sa ‘kin, nakauwi ba siya? Nahimatay ba siya sa sinasakyan niyo? Dinala mo ba siya sa ospital?

Sa kaiisip kung ano nang nangyari sa kaniya, pagkauwing-pagkauwi ko sa Sampaloc, umupo akong tulala, nakatunganga at saka tumungga.

Comments

Anonymous said…
Sonny! Pwede bang mamatay na tumatawa? Grabe tumatawa ako ditong mag-isa sa staffroom... Detailed sequence of events talaga ha... Okay na siya, malamang nakauwi na yun, 90 over 70 naman ang final BP ko eh, don't worry. And hypotensive talaga siya, to start with (shucks pati ba ako nagi-guilty na rin?), pero normal ang BP nya when I took it before siya humiga. And before ka dumampot ng blood bag. These things happen, even to those people na di katulad ng built ng babaeng yun. It's 30% physiologic (or should I say pathologic), and 70% psychologic. Relax... Chill out... Tagay ulit! MBD ulit!
--Doc Farrah
Haha. Salamat po at medyo nababawasan na alinlangan ko. Pero... okey na kaya siya ngayon?

:)

Tara, MBD (at food trip) ulit.
Lenay, Birhtday mo 'di ba? Kelan ang inuman?
Anonymous said…
...isa, dalawa, tatlong boteng redhorse...tatawa...sisigaw...tangina...syet...apat...limang bote... bahala na...susuka...uwi sa bahay...di na nakapasok sa kwarto...manhid na...tulog na...umaga na...problema nandyan pa!

(pano bako nakauwi?)
Anonymous said…
galing ahhh. nakakarelate ako hehehehe!

Popular posts from this blog

Thoughts of death drives young writer to pen winning pieces

Madrigal-Gonzalez Best First Book Award 2006 names finalists

Ragang Rinaranga