Ang Lungsod Namin

Joselito D. delos Reyes
.
Progress is a comfortable disease…
______________________- e.e. cummings

______Sumisinghap kami ng dahilang susulingan
Kung bakit kinokolonya ng putik at tubig ang aming lungsod.
Kaya sinimulan naming sisihin ang init ng panahon;
Natutunaw na ang yelo sa magkabilang polo ng mundo.
Sinamantala ng mga mapagkalinga ang dahilang ito
Kaya binaha kami ng ahente—
Ahente ng lupang bukod sa masagana at matayog,
Malayo pa sa gulugod ng lindol;
Ahente ng segurong nananakam ng ganansiya
Kung matitibo’t magpapantay ang paa.

______Totoong peligroso ang huminga-hinga
Sa ganitong lugar, wika ng ilang ayaw nang datnan
Ang tuluyang pangangamkam ng dagat sa aming siyudad.
Pami-pamilya silang lumikas, o tumakas
Palabas ng banlik at lansa.
Katwiran ni Kabayang Bestre,
Hindi na baleng ilado ang biya at tilapya
Basta hindi mamad sa alipunga ang paa.
At ayaw na rin daw niyang makitang
Tuluyang maging Lemuria ang kaniyang lote.

______Nadaig ng lungsod namin ang baratilyo sa palengke.
Sumayad hanggang sa sahig ng prinsa ang halaga
Ng lupang sa kalahatian ng taon ay sapa.
May lote kana, may palaisdaan pa
Ito ang islogan ng nangongomisyon naming alkalde
Sa mga dayong mamimili.

______Isa-isang nabakante ang mga pabrika, bahay, pondahan,
Eskuwelahan, establisimyento, sementeryo, at oo,
Pati luhuran, upuan, kumpisalan ng simbahan.
Pinagmunihan tuloy ng parokyng irelyebo ang patron.
Palitan ng maka-mamamalakaya, maka-dagat,
Maka-isda, maka-kabibeng larawan ng kabanalan.
At kagyat itong isinangguni sa basilika at Tayuman.

______Naiwan kaming walang ipanghuhurnal
Sa bagong bahay at buhay.
Kaya ang kaminero’y naging bihasa sa bintol at patukba,
Ang barbero sa panghahayuma,
Ang mananahi sa panggugulaman.
Ang kantero sa pagpanday ng lawayan.
Ang mamamabrika sa pagtutuyo.
Bawat isa’y puwedeng maging engkargado, mamamakyaw,
Degaton, mamamanti, depende sa kàti ng kati.

______Dumalang ang aming kapitbahay
At suminsin ang kapitbaklad.
gayunma’y dumalas ang pagpupulong ng taong bayan
Hinggil sa papalapit na laot.
Walang dapat ikatakot,
Sabi ng taga-Greenhills naming Neptuno’t punong lungsod
(ang haka-haka’y hindi na siya lalangoy
sa susunod na eleksiyon, sa halip ay mag-eendoso
na lamang ng may salapang na sirena o siyokoy).
Dapat pa nga daw itong ikalugod dahil:

Kami ang bagong Venice o Shanghai,
Ang umaapaw sa yamang Mississippi,
Danube, Thames, Orinoco, at Yangtze.
Saan ba ipinagbuntis ang kabihasnan?
Hindi ba’t sa Ganges, Tigris, Euphrates, Nile?
Bawat pagpupulong ay sinelyuhan ng palakpak
Pero isip nami’y may kung anong ngumangatngat.
Dahil kahit anong puna o panukala o imik,
Bumubuka na lamang ang aming hasang at bibig,
Nangangalirang ang kaliskis at palikpik
Dito sa lungsod naming kalmante’t pagkatahi-tahimik.

Comments

Anonymous said…
minsang binasa ko na ang tulang ito sa lecture ni sir vim sa LIRA. ang ganda talaga nito, sabi nga ni sir marne kilates may hyper-reality ang tulang ito lalo na't incorporated ang mga syokoy dito.

salamat sa pagpost nito.
Enrique? Enrique Villasis? Ay, congrats pala! Ay, oo, ang galing nga ng tulang ito. Pasensya nga pala, baka mahilo ka sa papalit-palit na hitsura ng blog ko-- inaayos ko po kasi ulit. Ayun, link po kita ha? :)
Salamat pala sa pagbisita. :)
Anonymous said…
salamat sa pagbati. :) post ka pa ng mga ganitong tula, burara kasi ako kaya ewan kung saan ko nalagay yung mga kopya ng mga tula kong ganito. btw, galeng ng presentation ninyo last pistang panitik.
Sige po. :)

Nyek... Hehehe. Salamat! :)
Anonymous said…
oi magandang tula.. at kelangan ko na ring ibahin ang layout ng blog ko pero hndi ako marunong.. gus2 ko 3 columns parang friendster blog..

Popular posts from this blog

Madrigal-Gonzalez Best First Book Award 2006 names finalists

Thoughts of death drives young writer to pen winning pieces

Ragang Rinaranga