TUNGKOL SA MATANDA
.
"Sinasabi ko," wari’y may itinatatag
sa pagkakalatag ng kaniyang tinig.
.
Ibinaba ko ang aklat na binabasa
at ibinaling ang buong pansin
sa kaniyang sasabihin.
.
(Wari’y buong mundo ang lumingon
sa kaniya upang makinig.
.
Hindi ito ang una naming pagkikita.
Matagal ko na siyang nakilala
sa di matapos-tapos na aklat na binabasa.)
.
"Sinasabi ko."
.
At hindi na niya ipinagpatuloy.
.
.
TUNGKOL SA MATANDA
.
Naramdaman niya ang pagtawag sa kaniya ng lupa. Nagpasiya siyang sa isang burol na lamang manatili—kipkip ang mga nalalabi sa sarili: takot, kalungkutan, kawalang-katiyakan.
.
Sa paglapit niya sa tuktok, mas lumalakas ang tinig, mas bumibigat ang kaniyang paghakbang; kaya isa-isa niyang binitiwan ang mga bitbit na alinlangan.
.
Naghintay siya nang saglit sa inaatubili. Sa halip, tanging hangin lamang ang naroroon, kipkip ang mga alikabok na nalikom. Ganap ang katahimikan: nakaramdam siya ng saglit na kamatayan.
.

Comments

Popular posts from this blog

Madrigal-Gonzalez Best First Book Award 2006 names finalists

Thoughts of death drives young writer to pen winning pieces

Ragang Rinaranga