Pagkatapos ng Baha
Pagkatapos na umulan nang malakas noong sabado at nalubog sa tubig-baha ang Kamaynilaan.
Pagkatapos na lumusong sa baha at masuka at ipunin sa bibig ang dapat-sanang-isusuka at lulunin ulit.
Pagkatapos na palalain ang sitwasyon ng mga pangamba na baka ay bigla na lamang mahulog sa manhole, ng mga kuwentong may nakalaylay na kawad ng kuryente sa baha.
Pagkatapos na maistranded sa loob ng ospital ng UST (na binabaha rin pala sa loob) at maghintay ng isang oras sa pagdating ng bus na maghahatid sa amin sa Main Building (na isang daang metro lang ang layo sa kinaroroonan namin).
Pagkatapos na kumain ng pansit at makasama sa kuwarto ang mga buddhang may dalang gong na kinabukasan noon ay nag-uwi ng ginto.
Pagkatapos maramdaman ang pangangati sa katawan lalo na sa binti at paa na pakiramdam nami'y hindi lamang kulugo o kurikong ang tutubo kundi isang pumpon ng gamit na diaper o kaya'y pedicab driver o kaya'y mga batang kalyeng hindi ko alam kung nasaan sila noong mga panahong iyon (na kahit akong malaki na ay nangangaligkig sa labis na lamig at pinatutulala ng labis na pangamba).
Pagkatapos ng araw na iyon na kasing itim ng tubig-baha ang mga bagay na matagal-tagal ko nang kinikimkim.
Pagkatapos ng araw na iyon na wari'y kasamang humupa ng tubig-baha ang lahat ng aking mga pangamba.
Pagkatapos.
Pagkatapos, heto.
Comments